Portrait of Blessedness

A sharing by Mrs. Ruth C. Cachuela
(Punong Barangay, Agdaliran, San Dionisio, Iloilo)

Screenshot_2015-01-20-22-48-17

Sa ating mahal na Santo Papa, Pope Francis, sa ating kagalanggalang na Cardinal Chito Tagle, sa lahat na nasa aking kaliwa, sa kanan, sa harap at sa likuran, isang malugod na pagbati sa inyong lahat. Ako po ay si Ruth Celestial Cachuela, nagmula po ako sa bayan ng San Dionisio, hilagang bahagi ng probinsya ng Iloilo sa Visayas. Ako ay nagsisilbi ngayon bilang Punong Barangay sa aming lugar na isa sa mga sinalanta ng Bagyong Yolanda.

Sa panalangin na po namin idinaan ang lahat sapagkat wala na kaming magawa noong kasagsagan ng bagyo. Mabuti na lang at may bundok pa sa amin na pwedeng matakbuhan. Hindi matatawaran ang aking pag-iyak kinaumagahan dahil ang bahay na pinagpaguran ng aking asawa sa loob ng sampung buwan na kanyang pinagpuhunan ng dugo at pawis ay nawala na. Ang bahay ay naging saksi sa aming mga pinaghirapan, mga pait at saya sa buhay, at mga hinarap na hamon bilang pamilya sa loob nga tatlongput apat na taon. Ang bahay ay nakatayo sa mataas na bahagi ng bundok at hindi ko lubos maisip kung papaano ito naabot ng sinasabing storm surge. Sa pagkakaalam ko hindi kami tinamaan ng malaking kahoy at may dalawang puno ng mangga na himalang lumampas halos isang metro lang ang layo sa aming harapan. Habang sumisipol at umiikot ang galit na galit na bagyo, inakala kong magiging katapusan na naming lahat at hindi ko na makikita ang aking apo na noon ay ipinagbubuntis ng aking anak. Pero ang apat na dekadang paulit-ulit na pagrorosaryo ang aming naging panangga habang nananalasa si Yolanda at walang ni isa sa amin ang nasaktan o nasawi.

Kinaumagahan kinailangan kong puntahan ang aming barangay. Akala ko kami na ang may pinakamatinding pinagdaanan pero nang tumambad sa akin ang kalunos lunos na sinapit ng aming barangay – nawala ang mga puno at mga bahay hindi ko na ito nakayanan. Ang lugar na aming pinagmamalaki dahil sa yaman ng makapal na gubat, masaganang mga puno ng niyog at magandang tanawin kung saan masisilayan ang halik ng dagat sa bundok ngayon ay mistulang bayan na walang buhay. Lahat kami sa barangay walang naisalbang gamit.

Sa totoo lang po bago pa dumating ang bagyo pinaghandaan po namin ito. Ang lahat na mga gamit ibinalot sa plastic at itinali ng husto. Bawat pamilya may itinabing bigas at mga delata at mahigpit na itinali ang mga bahay sa malalaking puno na sa aming pag-aakala ay di kayang gibain ng kahit ano katinding bagyo. Kampante po kami na handa kami at di na nag-abala pang lumikas sa mas mataas na lugar dahil sa buong kasaysayan ng aming bayan wala pang naitalang tinatawag nilang storm surge. Hindi po namin alam kung ano yung posibleng storm surge na sinasabi at di po naming lubos na naintindihan ito. Ang alam ng lahat ang bagyo ay may dalang napakalakas na hangin pero kokonti ang ulan. Hindi namin inakala na kami pala ay umalalay pa sa tatlong metrong alon na humampas sa aming lugar at nilamon ang aming mga bahay. Sa kasagsagan ng bagyo walang naisalbang gamit dahil nagsitakbuhan na ang lahat nang makita ang dambuhalang alon na napakaitim at handang lumamon sa amin.

Ang bagyong Yolanda ay naging pagsubok sa aming pananampalataya sa Dios. Karamihan sa amin nagtanong kung may Dios pa nga ba at kung meron man, bakit niya hinayaan na maging ganito kami. Inubos ng bagyo ang aming kabuhayan na pinagpaguran at nilamon ang aming pag-asa. “Nasaan na ba ang Dios… ngaa pinabay-an niya kami?” Ngaa gintalikdan niya kami? Ano bala ang sala namon? Panginoon papano mo nakayanang gawin ito sa amin?”
Pero ang kalunos-lunos na sitwasyon ang naging paraan ng Dios para ipaalala sa amin na unti-unti na namin siyang nakakalimutan. Akala namin tuluyan niya na kaming tinalikuran pero ang totoo pala kami ang tumalikod sa Kanya. Naging pabaya kami sa kanyang araw-araw na mga biyaya katulad lamang ng mayamang dagat na aming unti-unting sinisira sa pamamagitan ng pagtapon ng basura at paggamit ng nakakapanirang pamamaraan ng pangingisda. Ang masaganang gubat at bundok na ngayo’y nagmistulang disyierto dahil ginagawang taniman ng mais. Ang kapaligiran at hanging nahahaluan ng mabahong amoy dahil sa basura na itinatapon kahit saan. Kami ang tunay na tumalikod sa kanya. Hindi ko po kayang sisihin ang Dios dahil hindi po niya kami tinalikuran sa panahon ng unos na kami naman ang gumawa.

Hindi namin inakala na ang unos na iyon ang naging paraan ng Dios para magkabati at mabuo muli ang mga pamilyang sa loob ng ilang dekada ay magkaaway, kulang na lang magpatayan dahil sa pagmamataas. Dahil kailangan nilang magtulungan sila ay nagkabati at natutong kumain sa iisang hapag na nagsusubuan pa. Dito naming nadama ang kahalagahan ng pagdadamayan at mamuhay na isang Magamay nga Kristianong Katilingban o Munting Kristianong Kapitbahayan.

Pagkatapos ng Yolanda naranasan namin ang pinakamapait at pinakamalungkot na pasko pero hindi ko inasahan ang napakalaking biyaya ng Dios nung paskong iyon. Wala po kaming noche buena, walang Christmas tree, walang kuryente, tanging presensya lang ng bawat isa ang nakita at nadadama namin sa mga oras na yon na isinilang ang Kristong sanggol. Sa mga sandaling iyon doon ko po naranasan ang tunay na diwa ng pasko dahil sa puntong iyon parang katulad din kami ni Hesus na walang-wala! maliban sa kanyang ama na si Jose at ina na si Maria. Ganoon pala ang pakiramdam ni Hesus noong siya’y isinilang, ganoon pala kapayapa ang kanyang pagkasilang. Ganun pala katamis ang presensya ng bawat isa kung wala nang ibang pinag-kakaabalahan pa at nakapokus lang sa Kanya. Salamat sa Yolanda, aking naranasan ang tunay na diwa ng pasko.

Ang aming bayan na parang naging Golgotha o lugar ng mga patay sa pasko naging Bethlehem, kung saan isinilang ang sanggol, dahil hindi namin siya kakilala. Hindi man kami umasa pero maraming taong pumunta sa aming lugar upang maghatid ng tulong. Sila ay mistulang mga three kings at shepherds na bumisita sa amin para magbigay ng regalo sa sanggol na nasa sabsaban.

Bumuhos po ang tulong at pakikiramay sa amin sobra sobra pa sa aming inasahan. Ang mga walang bahay o nawalan ng bahay nagkaroon na ng sariling bahay. Ang mga pamilyang magkaaway naging buo at masaya muli. Ang mga nasirang pump boats ng maliliit na mangigisda napalitan na. Nakatanggap din kami ng tulong pangkabuhayan upang makapag-alaga ng hayop at makatanim sa aming mga bakuran. Naitanim na rin namin ang mga bagong punla na mangroves sa baybayin at mga puno sa bundok. May sapat na pagkain ang karamihan sa amin upang makakain ng tatlong beses sa isang araw.

Sa gitna ng lahat, natuklasan namin na ang mga biyayang dumating ay nakatulong lamang sa amin dahil tinulungan din namin ang aming mga sarili. Dito namin nakita , na kahit tila nawasak lahat ni Yolanda…marami siyang hindi nasira katulad ng aming mga pag-asa, determinasyon at mga pangarap, ang aming MKK, at higit sa lahat, ang pananampalataya sa Diyos at pakikiisa sa kapwa. Ito ang aming pinaghugutan ng unang mga hakbang sa pagbangon. Nagsimula kami sa kung ano hindi nawala sa amin. At malinaw na ang aming pagiging MKK ay naging daan sa patuloy na pagbangon. Marami pang mga unos ang sumunod at dumadating sa amin pero bilang isang maliit na kristianong komunidad, ibang-iba na ang aming paghahanda kung ihambing sa pagdating noon ni Yolanda.

Hangad namin na maging isang bayan na instrumento ng pag-asa at pagbabago at di na muli maging sanhi ng pagkasira ng kalikasan. Aming napagtanto na ang pagsasabuhay sa MKK/BEC ay biyayang hindi namin kayang pakawalan pa.

Salamat sa Dios, tunay na mahabagin! Magandang hapon po.